P50M smuggled fuel, naharang sa Mindoro

P50M smuggled fuel, naharang sa Mindoro

February 19, 2023 @ 1:00 PM 1 month ago


MINDORO- Naharang ng mga awtoridad ang isang oil tanker matapos mamataan sa gitna ng karagatan na may kargang higit sa P50 milyon halaga ng smuggled fuel, iniulat kaninang umaga, Pebrero 19 sa Cabra Island sa Mindoro.

Ayon sa Philippine Navy (PN) nakatanggap sila ng alerto mula sa Coast Guard District Palawan hinggil sa isang oil tanker na may kagrang ilegal na kargamento na namataan sa isla ng Cabra.

Agad na pinakilos ang BRP Lolinato To-Ong at dito nila naispatan sa nasabing isla ng oil tanker na naglalaman ng illegal na langis na diesel.

Tinangka pang tumakas ng oil tanker subalit naharang ito ng mga awtoridad sa isla ng Corregidor.

Narekober ng mga awtoridad mula sa oil tanker ang nasa 847,000 litro ng hinihinalang smuggled fuel na aabot sa halagang P50.8 milyon.

Wala rin maipakitang kaukulang dokumento ang kahit isa sa 11 crew na sakay ng oil tanker para patunayan na legal ang kanilang mga kargamento.

Dinala naman sa tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga nahuling crew ng oil tanker para sa tamang disposisyon at imbestigasyon.

Base sa pag-aaral ng Philippine oil industry noong 2018 ang hindi pagdeklara ng tamang produkto ng langis ay nawawalan ang gobyerno ng P43.8 bilyon na tax revenues. Mary Anne Sapico