P550K deposito sa account ni Escorial kinumpirma ng AMLC – Remulla

P550K deposito sa account ni Escorial kinumpirma ng AMLC – Remulla

November 5, 2022 @ 2:10 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may idineposito ngang P550,000 sa  account ni self-confessed gunman Joel Escorial sa Percy Lapid killing, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Sabado.

“Kahapon, yung report ng AMLC, nilabas din nila na ‘yung sinabi ni gunman Escorial ay very accurate. Nandoon talaga ‘yung P550,000 deposit within a certain amount of days,” ani Remulla.

“Maraming deposit ‘yan within a span of more than two weeks eh, within a three-week period. Parang ganu’n eh, within a 20-day period,” patuloy niya.

Ayon kay Remull, napag-alaman sa AMLC report na idineposito ang pera ng iba’t ibang indibidwal.

“Iba-iba ‘yan (‘yung nag-deposit). Ipapaliwanag ‘yan ng NBI sa Lunes kasi sila ang may alam ng mga detalye,” dagdag ni Remulla.

“‘Yan ang bago nating iimbestigahan because it sheds some light into the financial activities within,” aniya pa.

Pinatay sa pamamaril si Lapid, na Percival Mabasa sa tunay na buhay at host ng online broadcast program na “Percy Lapid Fire” sa DWBL 1242 at kolumnista para sar Hataw, habang pauwi sa kanyang tahanan sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City, noong Oktubre 3.

Sumuko si Escorial sa mga awtoridad at umamin bilang gunman.

Sinabi rin niya sa mga pulis na nakatanggap ng P550,000 sa pamamagitan ng bank transfer matapos patayin si Lapid, ayon kay Southern Police District director Police Brigadier General Kirby Kraft.

Inilahad pa ni Escorial na ang utos na patayin si Lapid ay mula sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) at isang indibidwal mula sa national penitentiary ang kumontak sa kanila para isagawa ang krimen.

Sinabi niya na ang middleman ay si Cristito Villamor-Palaña o Jun Villamor, na namatay sa loob ng NBP ilang oras matapos siyang isiwalat ni Escorial sa mga awtoridad. RNT/SA