P562M pondo sa ALS pasok sa 2023 nat’l budget bicam report – Gatchalian

P562M pondo sa ALS pasok sa 2023 nat’l budget bicam report – Gatchalian

December 11, 2022 @ 3:25 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pasok sa ratified P5.268 trilyon na national budget sa 2023 ng Kongreso ang suporta para sa Alternative Learning System (ALS) na magbibigay benepisyo sa libo-libong mga mag-aaral na Filipino.

Ito ang ibinahaging pagsisiguro ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng
Senate Committee on Basic Education.

Aniya, pasok sa Bicameral Conference Committee report sa 2023 national budget ang alokasyong P562 milyon ng Department of Education para sa pagpapatupad ng mga programa sa ALS at probisyon sa learning resources nito.

Sa nailaang badyet na nasa ilalim ng Flexible Learning Options, pasok din dito ang probisyon sa pamasahe at teaching aid allowance ng mga guro sa ALS.

Matatandaang iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng pondo para sa ALS na lubhang naapektuhan sa nagdaang pandemya.

“Nang tumama ang pandemya, nakaranas ng matinding dagok ang mga programa ng ALS, kaya naman sa ilalim ng 2023 national budget, tiniyak nating mabibigyan ng suporta ang mga mag-aaral sa ALS upang hindi sila mapag-iwanan sa muling pagbangon ng bansa,” sinabi ni Gatchalian nitong Sabado, Disyembre 10. RNT/JGC