P576K halaga ng marijuana nasabat sa Malabon, 4 arestado

P576K halaga ng marijuana nasabat sa Malabon, 4 arestado

November 25, 2021 @ 2:33 PM 3 days ago


Manila, Philippines – Sa kulungan ang bagsak ng apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang bebot matapos makuhanan ng halos P.6 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Prea Enate, 21, ng Caloocan, Lyndon Regino alyas “Dodong”, 27 ng Brgy. Tonsuya, Mark Carlo Fortes, 20 ng Navotas city, at Jarwin Gamalog alyas “Aweng”, 20 ng Caloocan city.

Ayon kay Col. Barot, dakong alas-7:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Salinas St., Brgy. Longos.

Nagawang makipagtransaksyon ng isang pulis na nagpanggap na buyer kay Enate at Regino ng P16,000 halaga ng marijuana.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang brick ng marijuana ay agad silang sinuggaban ng mga operatiba, kasama si Gamalog at Portes.

Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang tinatayang nasa 4.800 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may standard drug price P576,000, buy bust money na isang tunay na P1,000 at 16 pirasong boodle money, motorsiklo, back pack bag, green plastic bag at eco bag.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Boysan Buenaventura)