P588B unprogrammed funds sa 2023 budget tukuyin kung saan gagamitin-Recto

P588B unprogrammed funds sa 2023 budget tukuyin kung saan gagamitin-Recto

August 30, 2022 @ 7:12 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinuna ni Batangas Rep Ralph Recto ang tila “shades of grey” sa mahigit kalahating trilyong pisong unprogrammed funds na nasa 2023 national budget na hindi itemized o hindi tukoy kung saan saan gagamitin.

Ayon kay Recto noong 2022 ay nasa P251.7B ang unprogrammed fund subalit sa 2023 budget ay dumoble ito o nasa P588M na.

Kung kukuwentahin umano ay P5.856 Trillion ang 2023 proposed national budget at hindi P5.268 Trillion dahil hindi pa kasama dito ang P588M pa para sa unprogrammed projects.

Ang unprogrammed funds ay kasama sa National Expenditure Plan(NEP) na isinusumite ng Malacanang sa Kongreso subalit hindi ito isinasama sa total amount.

“The spending amount being asked by the Palace is actually half-a-trillion pesos more.The fund lacks details, it is a ‘shades of grey’ which the government must itemized and render in black and white.”paliwanag ni Recto.

Sinabi ni Recto na ilan sa hindi malinaw sa 2023 Unprogrammed Appropriations ay ang Support to Foreign Assisted Projects na popondohan ng P380.6 billion at P149.7 billion pa para sa Support for Infrastructure Projects and Social Programs.

“Ang laki ng funding footprint, pero puro one-liner lang ang appropriations language. It is a blank check request,” dagdag pa nito.

Ipinaliwanag ni Recto na sa ilalim ng rules, ang Unprogrammed Appropriation ay maaari lang gastusin kung may sumobra sa revenue target at kung nakabayad na ng foreign debts subalit ang katotohanan ay hindi ito nasusunud, inihalimbawa ni Recto noong 2020 na mababa ang revenue collections subalit naipalabas pa rin ang P122B na unprogrammed funds gayundin nitong 2022 na maaaring nagalaw na ang P251 B pondo.

Nilinaw ni Recto na may mga programa sa ilalim ng unprogrammed funds ang tunay na napakinabangan ng publiko gaya ng P18.9 billion sa public health emergency benefits para sa frontliners subalit dapat pa rin na magkaroon ng transparency sa ibang pagkakagastusan sa nasabing pondo. Gail Mendoza