P592M iligal na droga nasamsam sa anti-drug campaign ni PBBM ngayong 2023

P592M iligal na droga nasamsam sa anti-drug campaign ni PBBM ngayong 2023

March 6, 2023 @ 1:39 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinatayang may P592 milyon na halaga ng ilegal na droga ang matagumpay na nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Enero sa ilalim ng pinaigting na anti-illegal drugs campaign ng administrasyong Marcos.

Sa Operational Assessment Report nito na may petsang Enero 2023 na ipinasa sa Malakanyang, sinabi ng PDEA na maliban sa multi-million peso na nasamsam na illegal narcotics, naka-aresto rin ito ng 4,499 drug personalities at nakapaghain ng  7,720 drug cases.

Kabilang sa  mga  major illegal drugs na nasamsam sa panahon ng PDEA operations ay shabu (methamphetamine hydrochloride) na nagkakahalaga ng P403.4 milyon; cocaine powder, P15.9 milyon; ecstasy tablet, P19.9 milyon; kush, P19.8 milyon at milyong halaga ng marijuana sa uri ng “dried leaves, bricks, plants, at stalks.”

Sinabi ng PDEA na sa ilalim ng Barangay Drug Clearing Program, may 26,952 barangay o 64.1% ang deklaradong drug-free na mula sa 42,046 barangay sa buong bansa.

May 8,585 barangay o 20.4% ang nananatiling drug-affected, ang Kalakhang Maynila ang nakapagtala ng “highest number” ng drug-affectation na may 53.9%.

Ang Mimaropa ang may “lowest affectation” na may  2.8%

Sa kabuuang bilang ng drug-free barangay, mayroong 6,109 barangay ang deklaradong drug-free na ngayong taon, mayorya nito ay mula sa Eastern Visayas na may 1,380 barangay.

Makikita sa datos ng PDEA na ang shabu at marijuana ay dalawa sa “most frequently abused drugs” sa bansa, na may 4,258, o 94.6% ng mga naaresto na shabu-related, habang 240 o 5.3% naman ang marijuana-related.

Pinaigting naman ng mga awtoridad ang kanilang surveillance at monitoring  sa mga paliparan, pantalan ng bansa at maging sa mail at parcel services para mapigilan ang  smuggling ng “illegal drugs at controlled precursors at essential chemicals” sa bansa.

Sinabi pa ng PDEA na bahagi ng intensified anti-drug campaign nito ay naglalayong palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng mga bansa katulad ng United States, South Korea, Japan, Vietnam, Malaysia, Australia, Saudi Arabia, Hong Kong at kabuuan ng United Nations.

Matatandaang noong Enero ay kapuwa tinintahan ng PDEA at United Nations Office on Drugs and Crime ang isang Declaration of Cooperation sa Makati City, naging bahagi rin nito ang turn-over sa ahensiya ng 34 tablets na naglalaman ng  anti-drug operations modules at references. Kris Jose