P59M ismagel na gulay nakumpiska sa Valenzuela, Bulacan

P59M ismagel na gulay nakumpiska sa Valenzuela, Bulacan

October 14, 2021 @ 7:36 AM 3 days ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Kinumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P59 milyon halaga ng mga ismagel na sibuyas, karot, luya, iba’t ibang produktong pang-agrikultura at imported na kagamitan sa isinagawang magkasunod na operasyon sa bodega na matatagpuan sa Valenzuela at Bulacan.

Unang nagsagawa ng operasyon ang BOC nitong Oktubre 7, 2021 sa isang warehouse na pag-aari ng Elite Globus Primeholdings Corp. na matatagpuan sa Bahay Pare Road, Sitio 4, Brgy. Bahay Pare, Meycauayan, Bulacan kung saan nadiskubre ang may 2,000 sako ng imported na pulang sibuyas at ilang kahon ng mga kahun-kahong frozen seafoods, cosmetics, at health products na pawang hindi aprubado at hindi dumaan sa Food and Drug Administration (FDA), gayundin ang iba’t-ibang pang gamit sa bahay.

Kinabukasan ay sinalakay naman ng mga tauhan ng BOC ang isang bodega na pagmamay-ari ng Morehouse Marketing na matatagpuan sa Brgy. Ugong, Valenzuela City kung saan nadiskubre ang nasa 8,000 sako ng mga pulang sibuyas, karot, luya at iba pang produktong pang-agrikultura.

Ang mga nasamsam na mga produktong agrikultura ay susunugin at ililibing upang matiyak na hindi maipagbibili at makokonsumo ng publiko. Ang mga manggagawa at tauhang natagpuan sa mga warehouse ay inaresto din at isasailalim sa imbestigasyon habang kasalukuyang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng may-ari ng mga sinalakay na bodega.

Isinailalim naman sa seizure and forfeiture ang mga nasabing produkto batay na din sa ilalim ng Section 1113 dahil sa paglabag sa Sections 117 at 118 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). JAY Reyes


  •  
  •  
  •