P5B –P13B halaga expired COVID vaccines, pinaiimbestigahan ni Hontiveros

P5B –P13B halaga expired COVID vaccines, pinaiimbestigahan ni Hontiveros

August 3, 2022 @ 3:48 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Hiniling ni Senador Risa Hontiveros sa Senado na paimbestigahan ang tinatayang P5 bilyon hanggang P13 bilyong halaga nang hindi nagamit o na-expired na bakuna laban sa COVID-19 na binili ng nakaraang administrasyon.

Sa press conference, sinabi ni Hontiveros na naghain siya ng resolusyon upang paimbestigahan ang itinuturing niya “large-scale” na pagsasayan ng bakuna laban sa COVID-19 na hindi dapat kunsintihin.

Gamit ilang reports, sinabi ni Hontiveros na sa pagitan ng Abril hanggang Hulyo, mahigit 4 milyon hanggang 24 milyong di nagamit at expired na bakuna ang nakatakd nang itapon.

Aniya, nagkakahalaga ito sa pagitan ng P5 bilyon hanggang P13 bilyon.

“Of course, may mga vaccines na alam nating hindi magagamit dahil sa iba’t ibang dahilan. May margin of error naman talaga. But in this case, goodbye agad sa halagang bilyun-bilyong piso? Mukhang magtatapon tayo ng pera at bakuna sa kabila ng mabilis na namang pagtaas ng mga COVID-19 cases,” aniya.

Gustong matukoy ni Hontiveros sa resolusyon kung nabigo o walang pagpaplano ang pamahalaan sa procurement ng bakuna.

Iginiit pa ng senador na maaaring magamit sana ang pondo sa nasayang na bakuna bilang ayuda sa sektor na nangangailangan ng tulong tulad ng magsasaka, mangingisda drayber at frontliners.

“Palaging inaanunsyo na ang dami-dami na nating bakuna, pero hindi naman sa procurement natatapos ang kwento. Baka naman may oversupply na tayo kaya may hindi nagagamit at nasasayang. ‘Wag naman sanang ipangalandakan na dinaig pa nila si Asyong Aksaya. Dapat may managot dito,” giit ni Hontiveros.

Aniya, kailangan managot ang lahat ng opisyal ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, Department of Health, at czars ng Duterte administration.

“Siyempre pangunahin na dapat tanungin kapag dininig itong resolusyon ay ang IATF, pangunahin ang DOH, at siguro ang mga czar natin,” aniya. Ernie Reyes