P5M donasyon ibibigay nina Pulong, Yap sa Sulu plane crash victims

P5M donasyon ibibigay nina Pulong, Yap sa Sulu plane crash victims

July 7, 2021 @ 8:00 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Magdo-donate ng P5 milyon sina Davao City Rep. Paolo Duterte at ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap bilang agarang tulong pinansyal sa mga pamilya ng mga nasawi sa C-130 plane crash sa Patikul, Sulu noong Linggo.

Ayon sa pahayag, ang donasyon ay ite-turn over sa Camp Aguinaldo sa Lunes at inaasahang tatanggapin ng matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nagpaabot din ng pakikiramay si Duterte sa mga pamilyang naulila ng 50 sundalo at 3 sibilyan sa insidente.

“Last Sunday, we lost some of our troops and civilians in a plane crash in Patikul, Sulu. To us, they are heroes and we salute them for their sacrifices. But to their families, they are everything. We are one with you in prayers and I pray that you shall be blessed with solace and strength to endure the days ahead,” ani Duterte.

Samantala, sabi ni Yap, ang bahagi ng nasabing donasyon ay mula sa business sector ng Davao City at ng Benguet.

“Maliit lang na halaga ito kumpara sa sakripisyo na kanilang ginawa at sa serbisyo nila para sa bansa,” saad ni Yap.

Tiwala naman ang nakababatang Duterte na ibibigay din ng pamahalaan ang anumang tulong na kailangan ng mga biktima at kanilang pamilya.

“We honor the lives of our State defenders that we lost in this tragedy. No amount of money can compensate the sacrifice they have done but I hope that this can somehow help them for their immediate needs,” dadag pa ng presidential son. RNT