P6.2M cocaine nabuking ng BOC sa gulong ng wheelchair

P6.2M cocaine nabuking ng BOC sa gulong ng wheelchair

February 15, 2023 @ 5:59 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Higit sa P6 milyon halaga ng cocaine ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark makaraang mabuking ang mga nasabing iligal na droga na nakatago sa rim ng tatlong wheelchair caster.

Ayon sa BOC, ang mga iligal na droga na natagpuan sa isang kargamento na idineklarang naglalaman ng “mini /sumatic wheelchair caster,” ay dumating noong Enero 13 mula sa Tanzania, East Africa.

Ang kargamento ay isinailalim sa karaniwang K9 sniffing at x-ray scanning procedures at physical examination batay sa impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan nadiskubre ang tatlong wheelchair casters na puno ng puting powdery substance sa kahabaan ng rims.

Dinala ang mga sample ng kinatawan sa PDEA para sa chemical laboratory analysis, na nagpositibo sa cocaine, isang mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nabatid sa BOC na nasa 1,187.1 gramo ng cocaine ang kanilang nadiskubre na tinatayang aabot sa P6,291,630 ang halaga.

Agad na naglabas ang Port of Clark ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Seksyon 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, i & l (3 & 4) ng R.A. 10863 na may kaugnayan sa Seksyon 4 ng R.A. No. 9165 na kilala rin bilang Anti-illegal Drugs Act. JAY Reyes