P6.2M puslit na sigarilyo nakumpiska, 7 arestado

P6.2M puslit na sigarilyo nakumpiska, 7 arestado

July 17, 2022 @ 2:35 PM 4 weeks ago


ZAMBOANGA CITY –Arestado ang pitong katao matapos makuhanan ng higit sa P6.2 milyon halaga ng mga puslit na sigarilyo sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad Sabado sa nasabing lungsod.

Kinilala ni Col. Richard Verceles, operations chief ng Area Police Command-Western Mindanao, ang mga suspek na sina Benzar Jajales, 48; Binbin Asiri, 31; Elnejin Asiril, 24; Minkadra Sakili, 39, lahat taga Indanan, Sulu; Sherwin Masakin, 39; Adzmir Bakki, 32, kapwa residente ng Pangaturan, Sulu; at, Pajing Muknan, 29, ng Parang Sulu.

Sa pinagsamang pwersa ng Area Police Command-Western Mindanao at mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) dakong 1:00 AM nadakip ang mga suspek malapit sa isla ng Manalipa ng naturang lungsod.

Ayon kay Verceles, nagsasagawa ng seaborne patrol ang operatiba sa nasabing isla ng mapansin ang “MPB King” motorboat mula Sulu patungo sa direksyon ng Zamboanga Sibugay at kahina-hinala ang mga karga nito.

Sa pagsisiyasat ng awtoridad nadiskubre ang 178 master cases ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na walang mga kaukulang papeles at tinatayang aabot sa halagang P6.2 milyon.

Kasalukuyan nasa kustodiya ng Area Police Command-Western Mindanao ang mga suspek at kinumpiska na rin ang kanilang motorboat habang ang mga nakuha sigarilyo at tinurn-over sa BoC para sa karampatang disposisyon./Mary Anne Sapico