P6.3M marijuana nasamsam sa Taytay!

P6.3M marijuana nasamsam sa Taytay!

September 13, 2022 @ 6:42 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakumpiska ang tinatayang P6.3 milyong halaga ng marijuana sa kahabaan ng Jupiter Street, Sitio Sakbit, Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal dakong alas-9 ng gabi ng Setyembre 12 taong kasalukuyan.

Ayon sa ulat, sa pinagsanib na pwersa ng Taytay MPS, Rizal PPO, PDEA 4A at RDEU ay matagumpay na naaresto ang suspek na si MARVIC CERUELOS Y TOLENTINO alyas VIC, 35 taong gulang at residente ng Taytay, Rizal.

Nakumpiska ang limampu’t tatlong (53) transparent plastic wrap na may laman na hinihinalang marijuana na may bigat na higit kumulang 53 kilos at may kabuuang halaga na P6,360,000.

Kabilang sa mga nakumpiska mula sa suspek ang isang (1) kalibre .45 na baril, dalawang magazine, sampung (10) bala ng kalibre .45, isang (1) unit ng 9mm Intratec Luger, dalawang magazine ng 9mm at limang bala nito.

Ito ay minarkahan, inimbentaryo at kinuhanan ng litrato sa mismong lugar ng operasyon at presensya ng suspek. Ipinaalam ang kanyang karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine at Anti-Torture Law.

Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.

Samantala, kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Taytay Custodial Facility na nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at R.A 10591 o Firearms Law. Rene Tubongbanua