P60M pekeng produkto nasabat ng NBI

P60M pekeng produkto nasabat ng NBI

June 1, 2022 @ 10:30 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Mahigit P60 milyong halaga ng hinihinalang pekeng produkto ang nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang operasyon sa Metro Manila at sa mga lalawigan ng Tarlac, Nueva Ecija at Pangasinan ngayong buwan ng Mayo.

Sinabi ng NBI na nasamsam sa Metro Manila ang P57.l milyong halaga ng mga pekeng produktong “Victoria Secret” at “Pantene” shampoo at conditioner.

Nasamsam din ang mga pekeng “Gilette” razors at blades na nagkakahalaga ng mahigit P2.4 milyon, aniya.

Sa Tarlac, Nueva Ecija at Pangasinan, nasamaam ang “Butiki” aerosol spray na nagkakahalaga ng P502,000.

Ang operasyon na isinagawa ng mga ahente ng NBI sa NCR, ay ipinag-utos ni Officer-in-Charge Director Eric B. Distor base sa reklamo na inihain ng mga kumpanya na pineke ang kanilang mga produkto ng ilang mga manlolokong indibidwal at ibinibenta sa merkado.

Bagama’t sinabi ng NBI na ang mga operasyon nito ay nagbunga ng mahigit P60 milyong halaga ng mga pekeng produkto, hindi nito sinabi kung may mga inaresto at kinasuhan.

Ayon sa NBI, ang pinakamalaking pagkumpiska ng mga pekeng produkto ay ginawa noong Mayo 26 sa pagpapatupad ng walong search warrant laban sa mga bodega sa mga lungsod ng Maynila at Caloocan; apat na stalls sa 168 Mall sa Maynila; at ang Renlaine Trading sa Pasay City.

Ang mga search warrant ay inihain sa Nald Consumer Goods Trading na matatagpuan sa Pasay City; anim na tindahan na matatagpuan sa Baclaran Terminal Plaza; iba’t ibang bodega na matatagpuan sa 6th Floor ng Madrid Tower sa San Nicolas, Manila; tatlong tindahan sa Binondo, Maynila; at isang hindi pinangalanang tindahan na matatagpuan sa Pasay City.

Sa probinsya, sinabi ng NBI na isinilbi ang search warrant sa 699 Besty Enterprises Corp. sa Concepcion, Tarlac; New Look Dry Goods store at warehouse nito na matatagpuan sa Tarlac City; Sam Ken General Merchandise na matatagpuan sa Tarlac City; bahay na pag-aari ni Rose Ramos sa Zaragosa, Nueva Ecija; Ataw Marketing na matatagpuan sa Malasiqui, Pangasinan; Winsun Marketing sa Villasis, Pangasinan; at Golden Happy Marketing na matatagpuan sa Alcala, Pangasinan. Jocelyn Tabangcura-Domenden