P63M nakaantabay sa nagbabadyang pag-alburoto ng Mayon, Bulusan – DSWD

P63M nakaantabay sa nagbabadyang pag-alburoto ng Mayon, Bulusan – DSWD

October 13, 2022 @ 6:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naka-standby na  ang P63 milyong halaga ng pondo at tulong para sa pagtugon sa pinangangambahang pag-alboroto ng Bulkang Bulusan at Mayon sa Bicol region.

Ang  stockpile ay nakalagak sa DSWD Bicol office kung saan  kabilang rito ang P5 milyong piso na  standby funds,  P17 milyong halaga ng  food packs, at P40-milyong halaga ng non-food items.

“Just in case nga na, huwag naman po sana, na tuluyan ngang mag-alburoto itong dalawang bulkan ay handa na po, readily available po itong P63 million,” ayon kay Social Welfare Undersecretary Edu Punay sa isang public briefing.

“At sa kabuuan naman po dito sa DSWD Central Office ay mayroon po tayong standby funds din na 1.2 billion, just in case magkulang po iyong nasa field office po natin,” wika pa nito.

Noong nakaraang linggo, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)  sa  Alert Level 2 ang Mayon volcano sa Albay province at nagbabala ng  posibleng pagsabog nito.

Araw naman ng Miyerkules, itinaas ng  Phivolcs sa  Alert Level 1 ang  Bulkang Bulusan  sa  lalawigan ng Sorsogon dahil sa “state of low-level unrest.”

“Ang reminders ko lang ‘no, sa ating mga LGUs, please review your contingency plans na on Bulusan; and hindi lang sa Bulusan, pati sa pagdating ng bagyo,” ayon naman kay Office of Civil Defense Assistant Secretary Raffy Alejandro.

“Kasi kapag may bagyong dadaan diyan sa Bicol, magmu-move na naman ang mga lahar diyan not just in Bulusan but also in Mayon. Kailangan po ay maging proactive tayo. Let’s remind our constituents na to be ready, maghanda at sumunod po sa mga abiso ng mga authorities natin para po sa kaligtasan ng lahat po,”  dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, tinatayang may 95,000  katao sa 6 na munisipalidad malapit sa Bulusan ang maaaring maapektuhan kapag dumami ang aktibidad nito.

Kaya nga  hinikayat ni Alejandro ang mga residente na  mag-restock  ng suplay at face masks sakali’t magkaroon ng  ash fall. Kris Jose