P64.5M cash allowance para sa seniors ng District 6, Maynila aprubado na ni Isko

P64.5M cash allowance para sa seniors ng District 6, Maynila aprubado na ni Isko

August 28, 2021 @ 8:55 AM 10 months ago


Manila, Philippines – INAASAHANG masisimulan na bukas ang pamamahagi ng “cash allowance” para sa mga senior citizen na residente sa Distrito 6 ng lungsod ng Maynila makaraang aprubahan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagpapalabas ng pondo na nagkakahalaga ng P64,547,000.

Nilagdaan ni Yorme kahapon, Agosto 27, ang pag-apruba upang simulan ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa lungsod sa higit sa 22,636 na mga nakatatanda sa ikaanim na distrito ng Maynila.

Ang tulong pinansyal para sa mga senior citizen ay kabilang sa mga prayoridad na programa na nilikha sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Isko at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Batay sa pinakahuling datos, nasa 93,567 na mga senior citizen mula Distrito 1 hanggang Distrito 5 ng lungsod ang nakatanggap na ng bawat tig-P3,000, na umaabot sa halos P261,931,500.00 na inilabas ng pamahalaang lokal.

Bukod sa cash allowance ay may ipinamamahagi pa ang lokal na pamahalaan sa mga senior citizen na gatas at mga bitamina upang mabigyan sila ng dagdag na nutrisyon sa katawan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“Ginagawa ito ng lungsod para mapanatag ang ating mga lolo at lola, lalo na ngayong Enhanced Community Quarantine o ECQ,” ani Yorme.

“May financial assistance pa, mayroon din tayong Ensure na gatas at vitamins na ibinibigay to reinforce their immune system. Sila ang isa sa mga vulnerable ngayong pandemic,” dagdag pa ni Domagoso.  JAY Reyes