P650M confidential fund ng OVP, DepEd pinanindigan ni Sara

P650M confidential fund ng OVP, DepEd pinanindigan ni Sara

September 14, 2022 @ 3:43 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanindigan si Vice President Sara Duterte, na siya ring umuupo bilang kalihim ng Department of Education, na kailangan ang P650-milyon kabuoan ng confidential funds para sa Office of the Vice President at Department of Education.

Ito ay mahalagang bilang umano upang matugunan ang problema lalo na sa sektor ng edukasyon.

Ginawa ni Duterte ang pahayag nang tanungin ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ng Gabriela party-list kung bakit kailangan ang P500-milyon na confidential fund sa OVP at P150-milyon confidential fund sa DepEd lalo pa’t marami pa ang mga programa ng kagawaran na wala pang pondo.

Kabilang na dito ang konstruksyon ng nasa 167,000 classroom at repair ng 149,000 classroom.

“The OVP and the DepEd are two separate entities with separate mandates. The success of the programs, activities and projects depends on very good intelligence and surveillance because you want to target specific issues and challenges,” paliwanag ni Duterte kasabay ng presentation ng proposed P710-bilyon budget ng DepEd sa 2023.

Kabilang umano sa mga problemang nais niyang tugunan at ng ahensya ay ang sexual grooming o pang-aabuso ng ilang opisyal ng paaralan, recruitment sa mga bata upang gumawa ng krimen at iligal na droga sa mga kabataan.

“We need the help of the security sector to address these challenges to basic education,” aniya.

Dagdag pa ng Bise Presidente, may kaugnayan ang kalagayan ng edukasyon sa kabuoang seguridad ng bansa. RNT/JGC