P65M halaga ng pasilidad sa NIA-UPRIIS, apektado ng bagyong Karding

P65M halaga ng pasilidad sa NIA-UPRIIS, apektado ng bagyong Karding

October 2, 2022 @ 1:35 PM 2 months ago


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Umaabot sa P65-milyong halaga ng mga pasilidad ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS) ang lubhang naapektuhan ng super Typhoon Karding base sa initial assestment ng nabanggit na ahensiya, kamakailan.

Ayon kay Engineer Rosalinda B. Bote, department manager ng NIA-UPRIIS, sa ngayon ay naiulat na ng kanyang tanggapan ang inisyal na assessment sa NIA Central Office na magsusumite naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Center.

Si NIA administrator Benny D. Antiporda mismo ay nakatutok sa mga kaganapan sa pamamagitan umano ng regular na pakikipagpulong online, ayon kay Bote.

Samantala, nilinaw ni Engr. Bote na bago pa man bumagyo ng Karding at hanggang sa araw na ito ay nananatiling sarado ang mga gate ng Pantabangan Dam.

Samakatuwid ay hindi sila nagpapalabas ng tubig mula sa Pantabangan Dam dahil hangad ng kanilang ahensiya na makaipon ng sapat na tubig para sa darating na sakahang panag-araw.

Sa data, lumalabas na mahigit isang metro lamang ang naidagdag na tubig sa Pantabangan Dam ng ulan na hatid ng Bagyong Karding. Mula sa 193.01 patungong 194.70 nitong Miyerkules na higit na maliit kaysa sa inaasahan nila na tatlo hanggang limang metro na itataas sana ng water elevation matapos ang super typhoon Karding.

“Negative pa tayo kaya during the typhoons ay nagpalabas kami ng advisory na nakasara ang Pantabangan Dam,” sabi ni Manager Bote. Ang spilling level ng Pantabangan Dam ay 221 meters.

Binigyang-diin niya na dahil panahon na ng anihan at umuulan ay hindi na talaga kailangan ng bukirin ang irigasyon kaya pagkakataon nila ito upang paghandaan ang tag-araw.

Napag-alaman din kay Bote hinggil sa mga naapektuhan na magsasaka na marami din ang na-save dahil aniya ay karamihan sa Northern part ng Nueva Ecija ay hindi naapektuhan at ang malaki lang talaga aniya na naapektuhan ay itong Southern part, ang nasasakupan ng San Leonardo, Gapan at Cabiao.

Sinabi pa ni Bote na kailangan pa nating mag-ipon. Dapat aniya ay up to limitation 210 the most dapat.

“So, ngayon naman sa panawagan natin ay hinihingan din natin ng tulong ang ating mga irrigators association para po maibalik yun mga banlik na natapon sa mga kanal kasi kasama din ito sa mentainance contract ng ating irrigation management transfer. So, alam naman na po nila yun kanilang mga tungkulin,” dagdag pa ni Bote. Elsa Navallo