P66M peke, ismagel na sigarilyo nasabat ng BOC

P66M peke, ismagel na sigarilyo nasabat ng BOC

May 31, 2021 @ 5:40 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa mahigit P66 milyon halaga ng ismagel na mga sigarilyo ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Subic, iniulat kahapon.

Ayon sa BOC, dalawang forty foot container ang dumating sa Port of Subic nitong Mayo 9, 2021 kung saan ang naunang container ay naka-consigne sa RNRS Trading at idineklara na naglalaman ng mga sapatos habang ang isang container naman ay naka-consigne sa Heybronze Non-Specialized Wholesale Trading at naglalaman umano ng mga carton film.

Sumailalim sa physical examination ang dalawang nabanggit na container kung saan nadiskubre na naglalaman ang mga ito ng mga pekeng sigarilyo na may mga brand na Marvels Menthol, Marvels Filter, Two Moon Filter, Two Moon Menthol, Fort Menthol 100’s, Mighty Menthol, Champion at Jackpot.

Dahil dito, inisyuhan ng Warrants of Seizure and Detention nito lamang Mayo 28, 2021 ang mga nasabing kargamento dahil sa paglabag sa National Tobacco Administration (NTA) Memorandum Circular No. 03, series of 2004; NTA Board Resolution No. 079-2005; Section 155 of R.A. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines); at Section 1400 na may kaugnayan sa Section 1113 (f) of Republic Act No. 10863 o mas kilala na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

“Our continued efforts to curb smuggling and enhanced border security together with our partner agencies are definitely working,” saad ni District Collector Maritess Martin. JAY Reyes