P7-M shabu sa pigurin kumpiskado sa bebot

P7-M shabu sa pigurin kumpiskado sa bebot

March 17, 2022 @ 4:15 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Aabot sa halos P7 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang babaeng pinadalhan ng mga pigurin na may palamang shabu, sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.

Dinakip sa kanyang bahay alas-7 ng gabi si Charlene Nworisa, ng Villa Crystal Phase 1, Bagumbong Dulo, Caloocan City.

Nabatid, Marso 12 nang dumating ang controlled delivery package sa Port of Clark na nagmula sa Kuala Lumpur, Malaysia na may lamang mga pigurin.

Isinailalim ang bagahe sa X-ray at field testing at natuklasan  ang 31 translucent plastic pouches na naglalaman ng umano’y shabu na isang kilo ang timbang at may halagang P6.9M na isinilid sa butas ng mga pigurin.

Isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagpanggap na delivery boy at hinatid nito ang package sa tahanan ni Nworisa kung saan ito naka-address at nang kunin nito ang package inaresto na siya. Merly Iral