P70/kg asukal ibebenta ng DA

P70/kg asukal ibebenta ng DA

October 18, 2022 @ 7:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agriculture-Sugar Regulatory Administration (DA-SRA) nitong Lunes na malapit nang maka-avail ang mga mamimili ng P70-per-kilogram na asukal.

Sa isang pahayag, sinabi ng DA-SRA na ang presyong ito ay pansamantalang ipatutupad upang matulungan ang mga mamimili habang “hinihintay na maging puspusan ang mga sugar mill.”

Kaugnay nito iginiit ng ahensya na kapag ang karamihan sa mga sugar mill ay fully operational na, magkakaroon ng mas sapat at abot-kayang supply ng asukal sa merkado.

“Ang Department of Agriculture, sa pakikipag-ugnayan sa Sugar Regulatory Administration (SRA), ay magsisimulang magbenta ng asukal sa P70 kada kilo sa SRA Quezon City at Bacolod City Offices. Bilang karagdagan, ang Kadiwa rolling stores at Kadiwa on Wheels ay magbebenta ng asukal sa parehong presyo upang gawing abot-kaya ang asukal at naa-access sa mga mamimili, “sabi ng DA-SRA.

Samantala ang mga imported na asukal ay ibebenta rin sa mga opisina ng Kadiwa at SRA.

“Hiniling ng DA-SRA sa bawat importer sa ilalim ng Sugar Importation Policy para sa Crop Year 2022-2023 na mag-commit ng sampung porsyento (10%) ng kanilang imported sugar allocation na ibebenta, sa pamamagitan ng DA at sa P70/kilo para magkaroon ng sapat na supply ng abot-kayang asukal,” dagdag nito.

Nitong Lunes, nananatiling mataas ang presyo sa Metro Manila para sa refined sugar, tumaas sa PHP105/kg mula noong nakaraang Biyernes na PHP100/kg, habang pinanatili ng wash sugar ang presyo nitong PHP90/kg, at ang presyo ng brown sugar ay bumaba mula PHP88 noong Biyernes hanggang PHP85 .

Gayunpaman, nilinaw ng departamento na ang PHP70/kg na asukal ay hindi para sa mga reseller, kundi para sa mga mamimili.

Nauna rito, sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na plano ng SRA na magkaroon ng “amenable suggested retail price” para sa asukal.

Ang target na pagpapatupad nito ay nakatakda ngayong buwan habang unti-unting dumarating ang mga import supply ng asukal kasabay ng unti-unting pagtaas ng lokal na produksyon.  Santi Celario