P72M inihirit ng PRC para sa computerized licensure exams

P72M inihirit ng PRC para sa computerized licensure exams

October 15, 2022 @ 2:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Professional Regulatory Commission (PRC) na inihihirit nito ang pondo para maikasa ang computerized licensure examinations sa mga probinsya.

Sinabi ni PRC Commissioner Jose Cueto sa mga senador na ang hinihinging pondo ay nagkakahalaga ng P72 milyon, na gagamitin para makasabay ang regional offices sa Metro Manila sa digitalization.

“We started the computerized licensure exams last year in small number of examinees because we have to do it first in our testing centers and we utilized one local area network,” paliwanag ni Cueto sa Senate Finance Committee Hearing nitong Biyernes.

Ang hinihiling na halaga ay hindi bahagi ng panukalang 2023 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagkakahalaga ng ₱25.9 bilyon.

Ang PRC ay isang attached agency ng DOLE.

“We still don’t have the capacity of conducting it in the rest of our regional offices. We need funding to set up the computerized licensure examinations in our regional offices. We actually do not have budget for that,” sabi ng PRC commissioner.

Ikinasa ng komisyon ang unang computerized licensure exam para sa geologists noong Dsiyembre 2021. Nagsagawa ito ng isa pang computer-based test para sa psychologists nitong Enero 2022.

Sinabi ni Cueto na sinusubukan nilang tugunan ang backlog ng licensure examinations sa nakalipas na dalawang taon, dahil sa COVID-19 pandemic restrictions.

Labing-isang pagsusulit lamang ang naikasa noong 2020 kumpara sa 61 nitong 2021.

Inihayag pa ng PRC commissioner na nagsagawa ito ng 51 pagsusulit mula Enero hanggang Agosto 2022. Target din umano na magkasa ng 44 pa hanggang sa pagtatapos ng taon.

Target din ng PRC na magsagawa ng 84 licensure exams para sa 629,370 examinees sa 2023, dagdag niya.

Matatandaang sinita ni Senator Francis Tolentino ang PRC sa pagkakatala nito ng second highest unused appropriations sa 2021 DOLE budget. Iginiit niya na ang hindi nagamit na budget ng PRC ay nagkakahalaga ng ₱526.9 milyon.

“The unused appropriations came from the inability to conduct the licensure exams. As far as programs are concerned, the licensure program receives the biggest allocation as far as our budget is concerned. So, if we are not able to conduct licensure examinations, the budget utilization ratio really goes down,” paliwanag ni Cueto. RNT/SA