P750K puslit na sigarilyo, nakumpiska

P750K puslit na sigarilyo, nakumpiska

February 3, 2023 @ 7:30 AM 2 months ago


CAGAYAN DE ORO CITY —Tugis ngayon ng mga awtoridad ang suspek matapos makatakas sa isinagawang buy-bust operation at nakuhanan ng P750,000 halaga ng mga puslit na sigarilyo, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang suspek na si Vhan Maddun Tammany, nasa hustong gulang at nakatira sa Zone 3, Barangay Bulua, ng naturang lungsod.

Batay sa report ng Police Regional Office of Northern Mindanao (PRO-10), inilatag ang operasyon laban sa suspek nang makatanggap ng impormasyon ang Regional Special Operations Unit (RSOU) 10 hinggil sa pagbebenta ng suspek ng iba’t ibang klaseng puslit na sigarilyo.

Sa gitna ng transaksyon nakabili ang operatiba ng mga sigarilyo sa halagang P4,000 pero kalaunan ay nakatunog ang suspek na pulis ang ka-transaksyon nito ay mabilis na pumasok sa isang silid ng kanyang bahay.

Pinasok na ng mga pulis ang bahay ng suspek para sana arestuhin subalit bigla na lamang itong naglaho at nadiskubreng may labasan ito sa kanyang silid na siya rin imbakan ng mga sigarilyo.

Narekober ng mga pulis ang 2M-Black Menthol, 2M-Red Blend, San Diego, Berlin, at Fort na may kabuuan 52 Master Cases, 3 reams at 7 pakete.

Itinurn-over naman ang mga ebidensyang nakuha sa Regional Investigation Division of the Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue Region No. 16.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11346 under Section 263 ang suspek. Mary Anne Sapico