P8.5M ecstacy nasabat sa Laguna

P8.5M ecstacy nasabat sa Laguna

December 23, 2022 @ 11:20 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang aabot sa P8.5 milyon halaga ng ecstacy tablets sakay ng isang kargamento sa ikinasang controlled delivery operation sa Laguna.

Ayon kay Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. nitong Biyernes, Disyembre 23, naaresto ang suspek na kinilalang si Joy Bautista sa joint operation na ikinasa ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4-A (Calabarzon), Regional Police Drug Enforcement Unit, PhilPost-Inspectorate, at lokal na pulisya sa isang gasolinahan sa tabi ng Merryland Subdivision sa Barangay Dita, Sta. Rosa City.

Nakuha kay Bautista ang isang kargamento na naglalaman ng 5,032 piraso ng pink tablets ng hinihinalang ecstacy, blue clipboard, parcel receipt form, pekeng school ID, tax identification number card at cellphone.

Dinala na sa opisina ng PDEA 4-A ang mga nakumpiskang gamit at illegal na droga para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act. RNT/JGC