P80M halaga ng alahas nadiskubre sa eroplano

P80M halaga ng alahas nadiskubre sa eroplano

November 18, 2022 @ 11:59 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nadiskubre ng mga opisyal ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 ang aabot sa 24.4 kilo ng samu’t-saring alahas na itinago sa loob ng isang eroplano.

Ayon kay Atty. Lourdes Mangaoang, Customs Deputy Collector for Passenger Services, ang mga alahas ay nakita sa loob ng eroplano ng PAL Flight PR301 mula Hong Kong na lumapag Huwebes ng gabi, Nobyembre 17.

Ani Mangaoang, nakatanggap siya ng tawag mula sa Aircraft Operations Division na may nakitang plastik sa loob ng lavatory ng eroplano.

Una pang inakala nila na illegal na droga ito ngunit nang inspeksyunin ay doon na tumambad ang napakaraming mga alahas.

Ipinag-utos na ni Airport Customs District Collector Carmelita Talusan ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang may-ari ng mga alahas na posibleng sangkot sa naturang insidente.

Kung susumahin ay aabot sa P80 milyon ang halaga ng mga nakumpiska. RNT/JGC