P814 minimum wage sa Davao Region, inihirit!

P814 minimum wage sa Davao Region, inihirit!

March 24, 2022 @ 8:00 PM 3 months ago


DAVAO – Pormal nang inihain ng Trade Union Congress of the Philipines (TUCP) nitong Huwebes, Marso 24, ang petisyon para sa hirit na P814 minimum wage sa Davao Region.

Kaninang umaga nang magtungo ang TUCP sa tanggapan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Davao kung saan hiniling nilang madagdagan ng P418 ang kasalukuyang P396 na arawang sahod ng mga manggagawa sa rehiyon.

“Yang P396, hindi naman ‘yan ang naiuuwi ng mga manggagawa. Ang inuuwi niya, P363 lang. Kasi kakaltasan pa ‘yan eh. Buti nga kung yung legally mandated contributions lang. Kasi sa kahirapan, ang daming utang,” saad ni Eva Arcos, National Vice-President ng ALU-TUCP.

Posibleng abutin ng 30 araw bago makapaglabas ng desisyon ang RTWPB ukol sa petisyon.

Una nang naghain ang grupo ng P470 na dagdag-sahod sa Metro Manila at P340 naman sa Central Visayas.

Inihahanda na rin ng grupo ang paghahain ng wage hike petitions para sa iba pang mga rehiyon. RNT/ JCM