P81M shabu kumpiskado sa 3 durugista sa Valenzuela

P81M shabu kumpiskado sa 3 durugista sa Valenzuela

May 23, 2022 @ 9:18 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nalambat ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Group (PDEG), National Capital Region Police Office ang tatlong kalalakihan na bigtime tulak ng shabu matapos na kumagat sa isinagawang buy-bust operation, Linggo ng umaga sa lungsod ng Valenzuela.

Kinilala ni PNP Officer in Charge na si Lt, Gen. Vicente Danao ang mga nadakip na sina  Algie Mengote Labenia, 43 anyos, may asawa, driver, tubong Northern Samar, at residente ng Brgy.  9th St., Brgy. Amsic, Angeles City, Pampanga; Nolan Sarsalito Julia, 43, binata, construction worker,  ng Apolonio Compound, Muntinlupa City; at Joseph Villamor Malasaga, 50, tubong Javier Leyte,  nakatira sa Brgy.  Maligaya, Caloocan City.

Base sa ulat, dakong 11:30 ng umaga (May 22) nang isagawa ang drug operation sa  bahagi ng Maysan Road corner Cecilio J Santos St., Valenzuela City.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang  12 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng  P81 milyon, Honda Civic na may plakang UFY 330, dalawang cellphone, sari-saring ID at dokumento gayundin ang buy-bust money.

Ayon kay Danao, ang mga suspek ay mga bagong kilalang distributor ng ilegal na droga na nakalista sa ilalim ng COPLAN Brubaker.

Ang nasabing COPLAN ay naglalayon na magsagawa ng mas pinaigting na case build up at police operations laban sa mga Filipino at Filipino Chinese national na tumatayong supplier ng shabu sa mga lugar ng NCR, Regions 3 at 4A kasama ng mga PUPC at PDL sa loob ng mga detention cell at correctional institution.

Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Jan Sinocruz