P850K ecstasy nabuking ng BOC; claimant timbog

P850K ecstasy nabuking ng BOC; claimant timbog

October 6, 2022 @ 7:25 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa mahigit P850,000 halaga ng ecstasy ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark na nagmula pa sa bansang Netherlands na nagresulta sa pagkaka-aresto ng isang claimant sa Parañaque City.

Nabatid sa BOC, nadiskubre ang mga iligal na droga sa isang shipment na sinasabing naglalaman ng “beads in a bottle” na dumating noong Setyembre 30 mula sa Hoofddorp, Netherlands.

Nakitaan ng kahina-hinalang imahe ang nasabing padala makaraang isailalim ito sa x-ray inspection kaya’t nagsagawa ng 100% physical examination dito na nagresulta sa pagkakadiskubre ng tatlong (3) plastic jar na naglalaman ng 505 piraso ng pink at gray na tablet na hinihinalang ecstasy na tinatayang nasa P858,500 ang halaga.

“The said tablets underwent field testing which yielded a positive result for the presence of ‘Mixture of MDMA (Ecstasy) Cotton,’ a controlled substance Amphetamine, saad ng BOC.

Kinumpirma naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang mga nasamsam na tablet ay Methylenedioxymethamphetamine o ecstasy sa isinagawang chemical laboratory analysis kung saan isa itong mapanganib na gamot sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165.

Dahil dito, inisyuhan ni District Collector Alexandra Lumontad ng warrant of Seizure and Detention ang nasabing kargamento dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, i & l (3 & 4) ng R.A. No. 10863 na may kaugnayan sa Section 4 ng R.A. No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang controlled delivery operation ay isinagawa ng magkasanib na elemento ng PDEA at BOC-Port of Clark noong Oktubre 4 sa Parañaque City na humantong sa pagkakaaresto sa isang claimant. JAY Reyes