P85M tulong ipinagkaloob sa mga apektado ng shear line floods – DSWD

P85M tulong ipinagkaloob sa mga apektado ng shear line floods – DSWD

January 3, 2023 @ 3:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sa kasalukuyan, umabot na sa P85 milyong halaga ng tulong ang ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga indibiduwal na apektado ng malakas na pag-ulan at baha dala ng shear line.

Ayon kay DSWD spokesperson Romel Lopez, may P51.8 milyong halaga ang financial assistance sa mahigit sa 10,000 benepisaryo at P34 milyong halaga ng “food at non-food items.”

Ang mga ito aniya ay ipinamahagi sa Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at Caraga.

“Nasa higit P85 million na po ‘yung ating naipaabot na tulong. Kasama na po dito ‘yung mga family food packs, ‘yung mga non-food items natin, at siyempre po ‘yung higit P51 million na worth na financial assistance,” ani Lopez sa public briefing.

Winika pa ni Lopez na 159,487 pamilya o 638,897 indibiduwal ang naapektuhan ng pagbaha dahil sa shear line sa Bicol Region, Visayas, at Mindanao.

“Sa kasalukuyan po, ‘yung mga kababayan po natin na nanatili po sa mga evacuation center ay nasa 33,639 na,” aniya pa rin.

Samantala, mayroon namang P1.2 bilyong halaga ng standby funds ang DSWD para sa mga apektadong indibidwal.

“Well, sa ngayon naman po wala po tayong magiging problema dahil nakikita natin na sapat naman po ‘yung pondo ng DSWD,” ani Lopez.

“Sa katunayan, mahigit P1.2 billion pa po ‘yung kabuuang halaga ng ating mga stockpiles at ‘yung ating standby fund para magamit doon sa ating mga kababayan na nangangailangan,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, nananatili naman sa 51 katao ang napaulat na namatay dahil sa pag-ulan at pagbaha sanhi ng shear line ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Tinatayang 13 mula sa nasabing bilang ay kumpirmadong namatay habang 38 naman ay nananatiling “for validation.”

Mayroong 19 katao ang nananatiling napaulat na mawawala habang 16 naman ang sugatan. Kris Jose