P866K puslit na sigarilyo nasabat sa Sulu

P866K puslit na sigarilyo nasabat sa Sulu

November 12, 2022 @ 11:50 AM 4 weeks ago


ZAMBOANGA CITY – Nasabat ng mga awtoridad ang higit sa P866,000 halaga ng mga puslit na sigarilyo sa liblib na barangay sa Sulu noong Huwebes.

Ayon kay Col. Richard Verceles, operations chief of the Area Police Command-Western Mindanao (APC-WM), dakong alas-5:15 ng hapon nang makumpiska ang mga kontrabando sa Barangay Buansa, Indanan, Sulu.

Sinabi ni Verceles, nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng Indanan police ng makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa mga kahon-kahon ng sigarilyo na ibabagsak sa Sitio Subah Pamawlan, Barangay Buansa.

Agad naman rumesponde ng mga awtoridad sa nasabing lugar at narekober ang 73 master cases ng iba’t ibang klase ng sigarilyo.

Samantala, nakatakas naman ang may-ari ng mga kontrabando ng matunugan ang presensya ng pulisya.

Dinala naman sa himpilan ng Indanan police station ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa dokumentasyon bago i-turn-over sa Bureau of Customs para sa tamang disposisyon.

Dagdag pa ni Verceles, ang pagkumpiska ng mga puslit na sigarilyo noong Huwebes ay pangatlo sa loob ng buwan na ito sa ilalim ng hurisdiksyon ng APC-WM.

Ang una ay noong Nov. 2, na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang katao at nakunan ng higit sa P7.2 milyong sigarilyo sa Governor Camins Avenue, Barangay Baliwasan, ng nasabing bayan.

Habang ang ikalawa ay nitong Nov. 5, na umabot sa P1.3 milyong halaga ng puslit na sigarilyo ang narekober sa nadakip na suspek sa Governor Ramos Avenue, Barangay Santa Maria, ng nasabing lungsod. Mary Anne Sapico