P86M puslit na asukal, buking sa BOC

P86M puslit na asukal, buking sa BOC

March 18, 2023 @ 1:52 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P86 milyong halaga ng ismagel na asukal ang nabuking ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na idineklara bilang goma na ginagamit sa paggawa ng swelas ng sapatos at tsinelas ang nasabat sa Subic Bay Freeport Zone.

Ayon sa BOC, nasamsam ng mga operatiba ng Customs katuwang ang Department of Agriculture (DA) ang mahigit 800,000 kilo ng refined sugar na nagmula sa HongKong noong Marso 15.

“We’ve apprehended 15,648 bags of refined sugar, it came from Hong Kong. Estimated value namin is about P86 million. Yung iba kasing nagsa-smuggle, tinatago man lang sa likod or sa gitna ng container. But this one, when we opened, it’s really sugar,” ani BOC Assistant Commissioner, Attorney Vincent Maronilla.

Napag-alaman sa BOC na ang kargamento ay dinala ng isang kompanyang nahuli na umano sa pagpupuslit ng asukal, sibuyas, at iba pang produktong agrikultural sa Manila International Container Port. Anila, sinuspinde na ang mga permit ng nasabing kompanya.

Ito na ang ikatlong shipment ng umano’y smuggled na asukal na naharang sa daungan ng Subic ngayong buwan.

Matatandaan na dalawang linggo na ang nakalipas ay nasamsam ng mga awtoridad ang 30,000 sako ng asukal na idineklara bilang construction materials.

“Same modus kasi e. We are thinking these belong to the same syndicate or the same group,” ani Maronilla.

“Binibigyan na po natin ng sistema on how to dispose of that. We wrote already the secretary of the Department of Finance na kung pwede natin po itong mabenta sa ating pong mga kadiwa stores,” ayon naman kay DA Assistant Secretary Rex Estoperez.

Samantala, binabantayan naman ng BOC ang iba pang kompanya na umano’y ilegal na nag-aangkat ng mga produktong agrikultura sa bansa. JAY Reyes