P884K shabu nakumpiska, 2 tulak patay sa buy-bust ops

P884K shabu nakumpiska, 2 tulak patay sa buy-bust ops

December 3, 2022 @ 3:48 PM 2 months ago


ORMOC CITY- Patay ang dalawang tulak ng illegal na droga matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa isinagawang drug buy bust operation, iniulat kaninang umaga, Disyembre 3 sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga namatay na suspek na sina Ceasar Paulo Pabingwit, nasa hustong gulang at taga Brgy. Naungan Ormoc City habang ang kasama nito ay nakilala lamang sa alyas ‘Cabahug’.

Sa pinagsamang operasyon ng Police Drug Enforcement Group, Ormoc City at Philippine Drug Enforcement Agency, inilatag ang operasyon laban sa mga suspek na nasa high value target.

Habang nasa gitna ng transaksyon nakatunog ang mga suspek sa pulis ang kanilang kausap kaya agad nilang pinaputukan ang operatiba na nauwi sa engkwentro.

Gumanti ng putok ang mga pulis at ilang minuto ang makalipas tinamaan ang mga suspek na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Nakuha sa lugar ng pinangyarihan ng operasyon ang 130 gramo ng hinihinalang shabu na aabot sa P884,000.00. Mary Anne Sapico