P88M puslit na sibuyas, nasabat ng DA

P88M puslit na sibuyas, nasabat ng DA

December 21, 2022 @ 1:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Aabot sa P88 milyong halaga ng puslit na mga sibuyas na nagmula umano sa China ang nasabat ng mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) sa magkakahiwalay na operasyon.

Sa ulat nitong Martes, sinabing kahon-kahong buns o siopao ang nakita sa isang container van nang inspeksyunin ng DA sa Manila International Container Port nitong Lunes.

Subalit nakatago sa loob nito ang sako-sako ng mga pula at puting sibuyas.

Kaugnay nito sa magkahiwalay na operasyon naman noong December 14 at 19, walong container vans na naglalaman ng iligal na sibuyas at frozen goods ang nasabat.

Batay sa impormasyon na nakalap ng DA, mula sa China ang mga sibuyas.

Samantala ayon sa mga opisyal ng ahensya, inihahanda na raw ang kasong paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act at Food Safety Act.

“We are on the lookout for those smugglers,” pahayag ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban.

“We have to stop the agricultural smuggling because of primarily food safety. Kaya ho kami makikipag-coordinate ngayon sa DOJ [Department of Justice] with Secretary Remulla to create a legal team, a legal task force that will really investigate itong buong network na ito,” ani naman ni DA Assistant Secretary James Layug.

Kaugnay nito sa pinakahuling price monitoring ng DA ngayong araw, umabot na sa P380 ang kada kilo ng pulang sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Nabatid pa sa ulat na ang ilang tindahan sa Quezon City Memorial Circle, walang pulang sibuyas na tinda pero may mabibiling puting sibuyas na P400 kada kilo ang presyo.

Kaugnay nito tiniyak naman ng Department of Agriculture na sapat ang suplay ng pulang sibuyas ngayong magpapasko. Santi Celario