P88M samu’t saring droga nasabat sa mag-asawa

P88M samu’t saring droga nasabat sa mag-asawa

August 11, 2022 @ 8:33 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasukol ang P87.9 milyong halaga ng samu’t saring iligal na droga mula sa mag-asawa sa isang operasyon nitong Miyerkules ng madaling araw.

Sa isang pahayag, sinabi ni National Capital Region Police Office chief Maj. Gen. Felipe Natividad na inaresto ng mga miyembro ng Drug Enforcement Unit ng QCPD ang mag-live-in partner na kinilalang sina Alvin Rapinian, 26; at Riza Bilbao, 25.

Kumpiskado ang iba’t ibang klase ng droga sa isinagawang buy-bust sa 16th Avenue sa Barangay San Roque sa Cubao dakong alas-2:30 ng madaling araw.

Nag-ugat ang operasyon sa tip ng isang impormante na nagsumbong sa QCPD Police Station 7 sa drug activities ng mga suspek.

Nasukol ang mag-asawa sa pulis na poseur buyer na nakipagtransaksyon sa kanila.

Nasamsam sa dalawang suspek ang 1.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng PHP10.2 milyon; 85 kilo ng pinatuyong marijuana na nagkakahalaga ng PHP10.2 milyon; 35 kilo ng kush (high-grade marijuana) na nagkakahalaga ng PHP49 milyon; isang kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng PHP5.3 milyon; 7,549 ecstasy tablets na nagkakahalaga ng PHP12.9 milyon, 57 piraso ng maliliit na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang likidong marijuana; mga kahon at vape cartridge na naglalaman ng pinaghihinalaang langis ng cannabis, dalawang timbangan, isang mobile phone, at ang buy-bust money.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. RNT