P89.29B droga nasabat sa Duterte admin

P89.29B droga nasabat sa Duterte admin

May 30, 2022 @ 6:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot sa P89.29 bilyon na halaga ng droga ang nasamsam sa buong bansa mula nang magsimula ang pagsugpo sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte noong kalagitnaan ng 2016.

Sa pinakahuling datos ng Real Numbers nitong Abril 30 na inilabas noong Linggo, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kabilang sa mga nasamsam ang P76.55 bilyong halaga ng shabu.

Winasak naman ng awtoridad ang 8,177.79 kilo (kg) ng shabu, 4,226.08 kg ng marijuana, 21.93 kg ng ecstasy, 534.20 kg ng cocaine, at 3,483.67 kg ng iba pang mapanganib na droga.

May kabuuang 1,156 na drug den at 19 na clandestine shabu laboratories ang winasak din mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2022.

May kabuuang 15,096 high-value targets (HVTs) sa buong bansa ang naaresto — 6,768 HVTs mula sa high-impact operations; 4,043 target-listed suspects; 1,670 drug den maintainers; 797 lider/miyembro ng drug group; 529 kawani ng gobyerno; 402 nahalal na opisyal; 364 dayuhan; 295 kasama sa listahan ng mga wanted; 126 uniformed personnel; 78 miyembro ng armadong grupo; at 24 na kilalang personalidad.

Naaresto rin ng mga awtoridad ang 341,494 iba pang indibidwal na sangkot sa iligal na droga.

Kabilang sa mga naaresto ang nasa 4,372 na menor de edad ay kinabibilangan ng 2,635 tulak; 1,004 ang nahuling may posesyon; 453 mga user; 246 bisita ng drug den; 10 tagapanatili ng drug den; 18 empleyado ng drug den; tatlong magsasaka, isang empleyado sa lab; at dalawang runner.

Ang mga nasagip na menor de edad, pagkatapos ng paglilitis sa korte, ay itinurn-over sa Bahay Pag-asa reform centers ng mga local government units sa loob ng walong oras na kustodiya ng pulisya, bago sila ibigay sa Department of Social Welfare and Development. RNT