P89M shabu na nakalagay sa snack pack, nakumpiska

P89M shabu na nakalagay sa snack pack, nakumpiska

January 12, 2023 @ 4:00 PM 4 weeks ago


MANILA- Nabisto ang modus-operandi ng isang babae matapos makuhanan ng mga awtoridad ng mahigit P89 milyong halaga ng shabu na inilagay sa snack pack, iniulat kaninang umaga sa Pasay City.

Sa pinagsamang operasyon ng Southern Police District (SPD), mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency at Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, nadakip ang suspek na kinilalang si Jolle Anne Cuer, 25.

Nakuha sa suspek ang 44 pirasong self-sealing snack pouches na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang aabot sa halagang P89.590 milyon.

Ayon sa Dangerous Drugs Board, pagdating sa control delivery agad na naghinala hinggil sa mga kontrabando kaya agad nila itong isinailalim sa imbestigasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Sinabi ng SPD na ang 13,175 gramo na shabu ay idineklara bilang Grandma’s Chin Chin snack packs na nakapangalan kay Cuer galing sa isang Micheal Olanrewaju mula Nigeria.

Nakuha rin sa suspek ang apat na self-sealing foil pouch ng meryenda, isang blue chip board, parcel receipt form, Bureau of Internal Revenue TIN card, vaccination card at isang cellular phone.

Isinailalim na sa drug test at physical examination ang mga nakuhang ebidensya sa PDEA Laboratory Service para sa pagsusuri, habang isinailalim sa drug test at physical examination ang nahuling suspek. Mary Anne Sapico