P9.49M imported na sibuyas, naharang sa Zambo

P9.49M imported na sibuyas, naharang sa Zambo

January 26, 2023 @ 5:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nasa mahigit P9 milyong halaga ng mga imported at sariwang pulang sibuyas ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Zamboanga, sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Zamboanga City.

Ayon sa BOC, naganap ang unang operasyon nitong Enero 22, 2023 sa baybayin ng Barangay Labuan kung saan sinita ang isang de-motor na bangka na may markang “TIMZZAN”. Nabuking ng mga awtoridad na sasakyang pandagat ay naglalaman ng 1,624 mesh bag ng mga imported na sariwang pulang sibuyas, na nagkakahalaga ng P2,598,400.

Ginawa naman ang ikalawang operasyon kinabukasan kung saan nasa 4,308 mesh bag ng mga imported na sariwang pulang sibuyas na nagkakahalaga ng P6,892,800 ang naharang sakay ng isang jungkong-type cargo watercraft na may markang “MJ MARISSA” sa Varadero de Cawit sa Barangay Cawit, Zamboanga City.

Nabatid sa BOC na ang mga nakumpiskang sibuyas ay walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Department of Agriculture (DA)-Bureau of Plant Industry, kaya’t lumabag ito sa Section 1401 ng Republic Act (R.A.) 10863, o mas kilala bilang “Customs Modernization and Tariff Act of 2016”, na may kaugnayan sa R.A. 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.”

Ang mga sibuyas ay itinurn-over sa DA at dinala sa Research Center nito sa Barangay Talisayan, Zamboanga City para sa safekeeping. JAY Reyes