P9.6M ayuda naipamahagi na sa mga biktima ng LPA – DSWD

P9.6M ayuda naipamahagi na sa mga biktima ng LPA – DSWD

February 27, 2023 @ 4:54 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakapagbigay na ng aabot sa P9.6 milyon halaga ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga naapektuhan ng low pressure area (LPA) na nanalasa sa Visayas at Mindanao.

Sa public briefing, sinabi ni DSWD spokesperson Romel Lopez na mayroong 54,800 pamilya ang naapektuhan ng LPA sa Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao region, Soccsksargen, at Caraga.

Idinagdag din ni Lopez na sa nasabing bilang, 2,339 indibidwal o 577 pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers sa Eastern Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Caraga habang 542 indibidwal naman ang tumutuloy sa ibang tirahan.

Aniya, ang mga apektadong residente ay nabigyan na ng family food packs habang ang mga nasiraan ng bahay ay bibigyan ng cash assistance depende sa pagsusuri ng social workers ng DSWD.

Samantala, sinabi ni Lopez na mayroon pa ring 622,000 family food packs na nagkakahalaga ng P425.1 milyon ang natitirang hawak ngayon ng DSWD, kasama ang iba pang non-food items tulad ng hygiene kits at kitchen kits na naka-abang na sa iba’t ibang lugar sa bansa.

“As of February 26, meron pa po tayong P2.2 billion worth ng stockpiles, at syempre standby funds na mahgit P822 million rito ang tinatawag QRF o Quick Response Fund na available at maaring magamit ng central office ng DSWD at ng aming mga regional offices,” ani Lopez. RNT/JGC