P9.7B DROGA NA SABAT SA MARCOS ADMIN

P9.7B DROGA NA SABAT SA MARCOS ADMIN

November 15, 2022 @ 11:24 AM 3 weeks ago


NAPAKALAKING balita ang pagkakaugnay ng droga sa pagpatay kay dating National Press Club director Percy Lapid o Percival Mabasa.

Magandang kalkalin ito na mariing ipinupunto ni ex-Bureau of Corrections General Gerald Bantag.

Pero hindi ito ang pagtutuunan natin ng pansin kundi ang inilabas na katotohanan ng Philippine Drug Enforcement Agency na kalagayan ng kalakalan ng droga sa Pilipinas sa ilang buwan pa lang na pag-upo sa Malakanyang ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay retired Police General Moro Virgilio Lazo, may P9.7 bilyon nang halaga ng droga na nasabat ng PDEA sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Imadyinin na lang natin na ilang buwan pa lang na nakaupo si Pang. Marcos at ganito na ang lumitaw na bulto ng droga na kung hindi nasabat ay tiyak na libo-libong mamamayan ang magiging adik o pusher kaya ay druglord.

Pwera pa ang pagsulpot ng mga protektor sa mga druglord gaya ng ninja cops, narco-politicians at korap na mga piskal at huwes.

Ang masakit dito, nangangahulugang kapag dumami ang mga adik at pusher, kakambal nito ang pagdami ng mga krimen na karaniwang gawa ng mga sangkot sa droga.

Naririyan ang rape, pagpatay, pagnanakaw, panggugulo sa komunidad, disgrasya sa sasakyan sa adik na tsuper, panununog ng bahay at marami iba pa.

Ang maganda ngayon, seryoso ang mga sangay ng pamahalaan, gaya ng mga Philippine National Police, National Bureau of Investigation at PDEA sa pagsugpo sa droga sa buong bansa.

At higit na pinagtutuunan ng pansin ang mga malalaking player dito, kasama na ang mga druglord at opisyal ng pamahalaan o kamag-anak ng mga ito.

At, hindi man babanggitin, mayroon nang mga nakalawit ng patakarang ito at mayroon pa ring patayan dahil may mga ayaw magpahuli nang buhay kundi handang pumatay na mga sangkot sa droga.

Dapat gawing tuloy-tuloy ang giyera sa droga at dapat sumama lagi ang mga mamamayan dito.