P90.7M medical, burial aid napamahagi ng OVP

P90.7M medical, burial aid napamahagi ng OVP

September 9, 2022 @ 8:25 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Office of the Vice President (OVP) na simula pa noong Hulyo 1, 2022 ay pinroseso na nito ang P90,740,950 medical at burial assistance para sa mga Filipino sa buong bansa.

Sa isang press conference, sinabi ni OVP spokesperson Reynold Munsayac na patuloy na tinutugunan ng kanilang tanggapan ang pangangailangan ng mga taong lumalapit sa kanila sa pamamagitan ng kanilang satellite offices sa bansa.

Tinatayang umabot na sa 7,507 ang aplikasyon.

Ang tulong ay naipamahagi na aniya sa mahigit na 3,000 ng nasabing bilang na aplikante.

“The amount of PHP40,279,055.78 was already released to 3,499 recipients,” ayon kay Munsayac.

Nakikipag-ugnayan na aniya ang OVP sa mga dialysis centers.

“Nakikipag-usap na rin po ang ang OVP sa ilang dialysis centers upang tumanggap sila ng guarantee letter para sa mga pasyente na tinutulungan ng OVP. Marami na rin po ang nakatanggap ng libreng wheel chair mula sa OVP,” anito.

Kaakibat ang probisyon ng medical aid, nangako ang OVP na tataasan nito ang ridership o mananakay ng kanilang Libreng Sakay program.

Sa kasalukuyan ay mayroon silang limang operating units, handang maglingkod sa 11,000 pasahero kada linggo, at nakapag-silbi na sa 43,805 mananakay simula noong ilunsad ito.

SA kabilang dako, muli namang nagbabala si Munsayac sa mga pekeng OVP employee na ginagamit ang mga programa para sa kanilang pansariling interest.

“We are again reminding the public to be vigilant and to report anomalous and criminal activities of persons pretending to be employees or claiming to be connected with the Office of the Vice President… Huwag po tayo magpaloko sa mga mapagsamantala at laging makipag-ugnayan sa mga otoridad kaugnay sa ganitong klaseng mga modus,” wika ni Munsayac.

Sa ulat, arestado ang isang nagpanggap na empleyado ng Office of the Vice President (OVP) at nagproseso ng mga pekeng dokumento ng Department of Social Welfare and Development para sa ayuda ng ilang residente ng Barangay Minuyan.

Ang suspek ay kinilala ng SJDM police na si Joel Calis y Gaspar alyas John Carlos Lo at JC Lo, miyembro ng RNA Foundation Philippines, Inc. at residente ng Caloocan City.

Ayon kay Lt. Col. Cresencio Cordero, hepe ng SJDM police, inireklamo si Calis ng tanggapan ni City Mayor Arthur Robes, DSWD Region 3, at ilang residente kung saan ang suspek ay nagpapakilalang empleyado ng OVP at nagpoproseso ng mga dokumento ng mga senior citizens, PWDs at solo parents para sa DSWD assistance.

Nakarating sa tanggapan ni Robes ang reklamo at nang i-verify si Calis ay napag- alaman na hindi ito konektado sa OVP. Dahil dito ay agad na nagtungo ang kapulisan sa lugar kung saan ay inabutan pa si Calis habang nagpo-proseso doon ng mga application forms gamit ang DSWD Logo.

Doon ay nagpakilala nga si Calis sa mga otoridad na siya ay mula sa OVP at nakasuot pa ito ng polo shirt na may logo naman ng Office of the President. Ngunit ng hanapan ng mga kaukulang dokumento si Calis ay wala itong naipakita kaya inaresto na siya ng mga otoridad at dinala sa himpilan ng pulisya para sa imbestigasyon.

Samantala, nilinaw naman ni Munsayac ang naging pahayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, itinalagang officer-in-charge habang wala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa kanyang state visits sa Indonesia at Singapore, sa pakikipagpulong nito sa state security, lalo na ang sinabi niya na “show no mercy” paalala sa mga terorista at kriminal.

Pinalagan ng OVP ang turing ng mga netizens na “overacting” ang pahayag na ito ni Duterte.

“Sinasabi diyan kapag ‘yung kalaban ng estado, na ang intensyon ay sirain ‘yung ating bansa at ating pamahalaan, dapat i-implement talaga ng mabuti ‘yung batas laban sa kanila … Show no mercy, ibig sabihin the full force of the law should be (implemented) against these terrorists and criminals,” ayon kay Munsayac.

Giit pa nito, mayroon aniyang sapat na basehan ang law enforcement sa lahat ng kanilang operasyon. Kris Jose