P90/kg SRP sa asukal ikakasa ng DA

P90/kg SRP sa asukal ikakasa ng DA

August 8, 2022 @ 9:16 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinag-aralan ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapataw ng suggested retail price (SRP) na P90 kada kilo para sa asukal, dahil ilang tindahan sa Metro Manila ang nagtaas na ng presyo sa aabot sa P100 kada kilo.

Nabatid sa pinakahuling monitoring ng DA ay nagpapakita na ang presyo ng asukal sa Metro Manila ay nasa P95 kada kilo para sa refined; P75 kada kilo para sa hugasan; at P70 kada kilo para sa kayumanggi simula Agosto 5, 2022.

Sinabi pa sa ulat na ang ilang mga tindahan sa mga palengke tulad ng San Andres Market, Pasay City Market, Mega Q Market, Marikina Public Market, at ang Malabon Central Market, gayunpaman, ay nagtaas na ng presyo hanggang P100 kada kilo.

Ayon kay Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, aabot sa 300,000 metric tons ang kailangan ng bansa para mapunan ang kakulangan ng asukal na dulot ng Bagyong Odette.

“Ito po ay dala nung tinamaan tayo ng bagyong Odette. Kahit last year pa tayo tinamaan, ‘yung harvest season ng sugar was affected. Napakababa po talaga nung supply ng ating asukal,” sinabi pa ng opisyal sa interbyu.

Nauna rito ang Bagyong Odette ay tumama sa bansa noong Disyembre 2021, na nag-iwan ng P13.8 bilyon na halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.

Kaugnay nito nakatakdang makipagpulong ang DA sa mga stakeholders ngayong linggo hinggil sa SRP sa kalakal, kasama ang iba pang produktong pang-agrikultura tulad ng baboy, at sibuyas. Santi Celario