P900M pondo sa expansion ng Laoag airport handa na!

P900M pondo sa expansion ng Laoag airport handa na!

January 9, 2023 @ 5:59 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasa proseso na ng pagbili ng lupain ang Laoag International Airport para sa plano nitong expansion ngayong taon.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ng Department of Transportation ng nasa P900 milyon na pondo para rito.

Kinumpirma ang balitang ito ni Ilocos Norte Governor Matthew Joseph Manotoc nitong Lunes, Enero 9 kung saan layon ng airport expansion na mas paunlarin pa ang connectivity at mobility sa rehiyon na makapag-aambag sa economic recovery ng probinsya.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sa pagpapalapad ng runway ng paliparan sa 205 metro sa silangan at 170 metro sa kanluran mula sa center lane ay maaari na itong tumanggap ng mas malalaking mga eroplano.

Sakop nito ang kabuuang 58.4752 hektarya na binubuo ng 275 na lote at 62 residential buildings kabilang ang iba pang improvements na matatagpuan sa Barangays Calayab, Apaya, at Gabu Sur, sa Laoag City.

Sa oras na makumpleto ngayong taon, sinabi ni Manotoc na posible na ang kanilang pag-asang maibalik ang international at regional flights sa naturang paliparan.

Kabilang dito ay ang direct international flights patungong Honolulu, Hawaii at Laoag-Cebu flights.

Sa ngayon ay tinutulungan ng Provincial Assessor’s Office ang CAAP kaugnay ng land acquisition. RNT/JGC