P92-M ipinuslit na sigarilyo nasamsam

P92-M ipinuslit na sigarilyo nasamsam

February 23, 2023 @ 8:51 AM 1 month ago


ZAMBOANGA CITY –UMABOT sa P92.2M halaga ng ipinuslit na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkahiwalay na anti-smuggling operations, iniulat kahapon sa Zamboanga Peninsula at Sulu.

Ayon kay Commodore Marco Antonio Gines, commander ng Coast Guard District Southwestern Mindanao, umabot sa P2.1 M halaga ang nakumpiska ng mga ipinuslit na sigarilyo noong Lunes sa Galas feeder port sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.

Sinabi ni Gines na nakumpiska ang iba’t ibang brand ng sigarilyo sa isang delivery van na itinago sa 32 bags ng sako ng bigas ng grupo ng Dipolog City coast guard substation team.

Ang mga kontrabando ay tinurn-over sa Bureau of Customs (BOC) para sa tamang disposisyon.

Samantala, pagsapit ng tanghali ng Lunes nakumpiska rin ng mga tauhan ni Brig. Gen. Neil AlinsaƱgan, Police Regional Office-9 (Zamboanga Peninsula) naharang ang isang van na naglalaman ng P120,980 halaga ng ipinuslit na sigarilyo sa ginawang checkpoint sa Barangay Ilaya, Dapitan City, Zamboanga del Norte.

Nadakip naman ang driver van na kinilalang si Danilo Josol, makaraan bigo maipakita ang mga kaukulang dokumento sa kanyang mga paninda.

Matatandaan na noong nakalipas na linggo, naharang din ng mga operatiba ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM), ang isang wooden-hulled vessel na puno ng mga kontrabando sa layong 1,600 yarda sa hilagang-silangan ng BJ wharf sa Indanan, Sulu, noong Pebrero 18 .

Ayon kay Rear Adm. Donn Anthony Miraflor, commander NFWM, ang ML Haiban ay nakitaan ng 4,500 master cases at 225,000 reams ng sari-saring smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P92 milyon.

Hinuli naman ang isang Eddie Taugiag, na siyang tumatayong kapitan ng vessel at 11 crew na nanggaling sa Indonesia.

Tinurn-over naman ang mga ito sa BOC-Sulu para sa kaukulang disposisyon./Mary Anne SapicoĀ