P925K marijuana mula Amerika, nakumpiska

P925K marijuana mula Amerika, nakumpiska

November 5, 2022 @ 12:36 PM 3 weeks ago


SAN FERNANDO, Pampanga – Arestado ang isang lalaki matapos makuhanan ng mga awtoridad ng malaking halaga ng “kush” o marijuana mula Amerika, kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Kristoffer Angelo A. Delgado, 25, residente ng 113 Doña Soledad Ave., Better Living Subd., Don Bosco, Parañaque City.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency 3, dumating ang package noong Oktubre 24, 2022 sa Clark Pampanga galing California, USA.

Idineklara bilang isang sweater ang package subalit pagdaan sa x-ray at K9 inspeksyon ay nadiskubre nilang illegal na droga ang laman ng mga package.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang PDEA Central Luzon, Bureau of Customs Port of Clark, PDEA-NCR at San Fernando-PNP laban sa suspek.

Narekober sa suspek ang higit sa 588 gramo ng kush na aabot sa halagang P925,000; 45 na vape cartridge na may nilalamang marijuana, isang national identification card at isang cellular phone.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 4 (Importation of dangerous drugs) si Delgado. Mary Anne Sapico