P92M halaga ng shabu mula South Africa, naharang ng BOC

P92M halaga ng shabu mula South Africa, naharang ng BOC

October 29, 2022 @ 10:49 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang pagpasok sa bansa ng higit P92 milyon halaga ng shabu na bitbit ng isang courier na nagmula sa South Africa nitong Biyernes ng gabi.

Ayon sa BOC, dakong alas-11 ng gabi nang dumating sa NAIA Terminal 3 ang isang 40 anyos na babaeng pasahero sakay ng flight EK 334, na nagmula sa Johannesburg, South Africa.

Nadiskubre ng mga awtoridad ang mga droga na nakatago sa compartment ng bagahe na dala ng babae.

Agad na isinagawa ang field test ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) at nagpositibo sa Shabu ang substance.

Nagsagawa ng imbentaryo ang mga awtoridad at napag-alamang naglalaman ang naturang bagahe ng 13,565 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na P92,242,000.00.

Agad na itinurn-over sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasabing babaeng pasahero gayundin ang nadiskubreng iligal na droga para sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165) na may kaugnayan sa Sections 118 (Prohibited Importation), 1113 (Goods Liable for Seizure and Forfeiture) at 1401 (Unlawful Importation) ng Republic Act 10863, o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Matatandaan na nito lamang Huwebes ay isang pasaherong Norwegian ang inaresto rin ng mga awtoridad dahil sa pagtatangkang magdala ng 8.34 kilo na tinatayang nasa P56.7 milyon. JAY Reyes