P941M education aid, ipinalabas para sa 375K beneficiaries

P941M education aid, ipinalabas para sa 375K beneficiaries

September 13, 2022 @ 7:10 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipinalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)  ang mahigit P941 milyong halaga ng educational assistance para sa mahigit na  375,000 student beneficiaries.

“Despite po nung rough start natin, masaya po tayong ibalita sa ating mga kababayan na 375,485 na mga kliyente ‘yung ating mga naabot, at sa kabuuan ito po ay P941.46 million ang ating tala matapos ng September 12 payout,”  ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez.

Sinabi ni Lopez,  nito lamang nakaraang Sabado ay namahagi ang departamento ng P35 milyong  halaga ng educational assistance sa 13,842 estudyante  sa “geographically and isolated at disadvantaged areas.”

Gayunman, hindi naman aniya lahat  ng estudyante na nag-apply  online at nakatanggap ng text confirmation ay makatatanggap ng cash assistance mula sa  educational aid program.

“Subject po ito sa availability of funds, so it doesn’t mean na kapag kayo ay nakapag online register at nakatanggap ng educational assistance ay kayo automatically makakatanggap ng ating educational assistance, kasi nga po ito ay dadaan sa proseso ng assessment,” ayon kay Lopez.

“Paglilinaw din po ang ating budget para dito ay P1.5 billion. Nabanggit natin kanina almost P1 billion na po ang ating nagagamit at naipapamahagi sa ating mga kababayan so ito po ay limitado na,” dagdag na pahayag nito.

Sa ilalim ng  programa,  hanggang tatlong estudyante  kada  indigent family ang maaaring makatanggap ng  P1,000 para sa  elementary students, P2,000 para sa high school students, P3,000 para sa  senior high school students, at P4,000 for college students o vocational courses.

Sa kabilang dako, isinara naman ng DSWD ang online application para sa  programa dahil sa mataas na volume ng aplikasyon laban sa limitadong available na pondo.

Sinabi ni Lopez  na P1.5-billion budget ay maaaring mai-cover sa 400,000 estudyante sa buong bansa.

Samantala, humingi naman ng  paumanhin si Lopez sa mga estudyante na hindi makatatanggap ng educational assistance dajhil sa limitadong pondo.

Mayroon naman aniyang ibang programa na maaaring makatulong sa mga ito.

“Ngayon pa lang po ay humihingi na kami ng pangunawa at dispensa kung hindi man maabot lahat ng ating kababayan ng educational assistance kagaya ng nabanggit kanina dahil sa limitadong pondo,” ani Lopez.

“Pero ang asahan ng ating mga kababayan ay may mga programa pa naman po tayong in place para tulungan yung mga kababayang Pilipino na nangangailangan ng assistance sa ibang pamamaraan nandyan pa po yung medical assistance, cash assistance yung ating pangangailangan kababayan sa negosyo at sustainable livelihood program,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose