P9B budget ni PBBM, oks agad sa Komite; Kabataan Rep babawi sa plenaryo

P9B budget ni PBBM, oks agad sa Komite; Kabataan Rep babawi sa plenaryo

September 2, 2022 @ 11:30 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Agad na inaprubahan ng House Committee on Appropriations ang P9B proposed budget para sa susunud na taon ng Office of the President(OP).

Sa pagbubukas pa lamang ng budget deliberations para sa P9,031,722,000 budget ng OP sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program ay agad na naghain ng mosyon si House Majority Leader Mannix Dalipe na tapusin na ang budget hearing para sa OP.

Agad naman itong inaprubahan ng komite at maging si House Minority Leader Marcelino Libanan ay sumang-ayon na agad nang ipasa nang walang pagkuwestiyon ang budget ng OP.

“Mr. Chairman, by tradition we are sending parliamentary courtesy to a co-equal branch in government, I move to terminate the budget briefing of the Office of the President,” pahayag ni Dalipe na sinang-ayunan ng lahat ng committee members.

Sa panig ni Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez ay agad itong nagpasalamat sa suporta ng mga mambabatas, aniya, ang budget ng OP ay para sa 112M Pinoy.

“In line with the instructions of His Excellency, President Ferdinand Martin Romualdez Marcos Jr., you can be assured that the Office of President is here together with you your honors in meeting the expectations and hopes of the more than 112 million FilipinosΒ  in promoting the people’s welfare and upholding the interest of the nation,” pahayag ni Rodriguez.

Bagamat pasado na sa committee level nagpahayag naman ng pagtiyak si Kabataan party-list Rep Raoul Manuel na kukuwestiyunin niya sa plenary deliberations ang malaking pondo ng OP sa confidential at intelligence funds na nasa P4.5 billion.

Ang budget ngayong taon para sa OP ay mas malaki kumpara sa P8.23B noong nakaraang taon. Gail Mendoza