PA-DECEMBER PROJECT NI NORZAGARAY MAYOR

PA-DECEMBER PROJECT NI NORZAGARAY MAYOR

December 13, 2021 @ 10:34 AM 10 months ago


NGAYON, mga pare, bigyan po natin ng daan itong isang liham na ipinadala po sa atin ng isang constituent ng Norzagaray, Bulacan na kanyang pinupuna itong proyekto ng kanilang mayor na kung saan tinawag niyang “December Project” na aniya’y  sinisira ang isang lane ng kalsada sa gawing kanan.

Basahin natin ang sumbong ng isang constituent laban kay Mayor Fred Germar ng Norzagaray, Bulacan.

Dear Mr. Juan de Sabog, kapuna-puna itong proyekto ni Mayor Fred Germar, ng Norzagaray, Bulacan na kung tawagin ay “December Project” kung saan ay sinisira nito ang kahabaan ng isang lane ng kalsada sa gawing kanan kung papalabas ka ng Brgy. Tigbe, Norzagaray, Bulacan sa gawing kaliwa naman kung papasok ka sa nasabing lugar.

Nagtataka kaming mga residente sa Brgy. Tigbe kung bakit kailangang sirain pa ang nabanggit na linya na kalsada gayong buom- buo naman ito hindi namin malaman kung nag-aaksya ng pera itong aming mayor!

Tila may nangangamoy or something fishy going on sa December Project na ito Mayor Germar!

Ano kaya ito, mayor, at bakit kailangan pa ang ganitong proyekto?

Una ay malaking abala rin ang project na ito sa mga may-ari ng sasakyan dahil hindi nila maigarahe sa kani-kanilang bahay ang kanilang sasakyan at hindi rin naman ito mailabas dahil sa sirang linya ng kalsada.

Ang matindi rito, Mr. Juan de Sabog, bukod sa malaking gastos ang gugugulin dito ay nakaaabala rin ito sa mga behikulong dumadaan partikular sa gabi dahil walang nagmamando ng trapiko at walang safety signage lalo’t madalim sa naturang lugar.

Ang masakit pa rito, napakadilim sa parte ng sinisirang kalsada baka sa halip na makatulong ay baka makaperwisyo pa ang mga ito sa mga taong dumaraan at mga sasakyan.

Maraming salamat po, Mr. Juan de Sabog, sa pagpapaunlak ninyo. Sana’y mailathala ito sa inyong kolumn.

Bubuwit ng Tigbe!

oOo

Anomang puna o reklamo i-text sa 0918924764, 09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]