PABAGO-BAGO, NAKALILITO

PABAGO-BAGO, NAKALILITO

July 11, 2021 @ 7:07 PM 1 year ago


Nalilito ako. Naglibog ko, Dong, ayon nga sa Bisaya! Hindi na nakatutuwa ang mga nangyayari.

Ang tinutukoy ko ay ang papalit-palit na mga patakaran sa ilalim ng mga kwarantina, lalo na rito sa NCR++.

Dalawang bagay ito – ang pagtanggal sa PCR-RT swab test requirement para sa mga turista at ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar.

Direktang apektado ako, dahil nakumpleto ko na ang dalawang hagis ng bakuna ko.

Naiintindihan ko naman na pinaka-mabuti pa rin ang sumunod sa mga health protocol na magsuot ng facemask, ugaliing maghugas ng mga kamay, umiwas sa matataong lugar at dumistansya ng isang metro sa ibang tao.

Pero siyempre sabik na rin akong makagala at makalabas ng bahay.

Sa kaso ng swab test requirement sa mga turista, tatlong araw na baligtaran ang mga pahayag ng Malacañang at IATF, kung sasapat na nga ba ang vaccination card o ‘yung pagkakumpleto ng 2 dose ng vaccine para makabiyahe ang mga turista.

Bagama’t gusto ko na ring mamasyal at suportahan ang pagbangon ng turismo, kumbinsido ako na kayang-kayang mapeke ang vaccination card, at panigurado, mas kakalat ang COVID19 sa mga tourist area natin.

Malakas naman ang pagpuna sa polisiya ng pagsusuot ng faceshield. Agree ako kay Sen. Tito Sotto, bukod sa walang scientific study na nagsasabing mabisa ito para pigilan ang pagkalat ng COVID, tayo lang ang bansang may ganitong patakaran!

Meron akong hika kaya isa ako sa talaga namang hirap huminga sa pagsuot ng facemask at samahan mo pa ng faceshield

Tingin ko nga, meron lang talagang kumita ng malaki rito sa mga face shield, ayon na rin sa mga bulong-bulongan na nakarating sa akin.

Hindi ako ang unang nagsabi nito, pero baka makatulong lang sa mga taga-IATF at sa Malacañang, pwede naman kayong mag-group chat sa Viber para hindi na malito at mainis ang mga tao sa pabago-bagong patakaran ninyo.