Pabahay tiyaking matibay, de-kalidad – PBBM

Pabahay tiyaking matibay, de-kalidad – PBBM

February 27, 2023 @ 2:05 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat ay matibay at de-kalidad ang mga bahay na itinatayo ng gobyerno sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program.

Target nito na makapagpatayo ng isang milyong yunit kada taon sa loob ng susunod na higit limang taon.

Sa naging talumpati ni Pangulong Marcos  sa Groundbreaking para sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Project , tinuran nito na dapat masigurong kaya ng mga itatayong kabahayan ang mga bagyo at lindol na maaaring dumating sa bansa.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ng Pangulo na abot- kaya ang mga itinatayong pabahay ng gobyerno gayung ang target na mabiyayaan nito ay ang mga minimum wage earners at ang mga kababayan nating nakatira sa danger zone.

Kaya kumpiyansang winika ng Pangulo na  maaabot ang anim na milyong kabahayang maitayo sa panahon ng kanyang termino at ang kailangan lang ay tulong hindi lamang mula sa lokal na pamahalaan kundi pati na sa hanay ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.

Samantala, muli ring binigyang diin ni Marcos na hindi lamang simpleng pabahay ang itatatag sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kundi isang tirahan na malapit sa mga paaralan, pamilihan, health center at hanapbuhay. RNT/JGC