Pabaya at mang-aabuso sa mga matatanda, ikulong – solon

Pabaya at mang-aabuso sa mga matatanda, ikulong – solon

March 9, 2023 @ 10:28 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Isang panukalang batas na magtitiyak na mabibigyang proteksyon ang mga matatanda ang inihain ng ilang mambabatas sa House of Representatives.

Sa ilalim ng House Bill 4696 o Anti Elder Abuse Act na inihain nina Davao Rep Paolo Duterte, ACT CIS Partylist Rep Edvic Yap at Benguet Rep Eric Yap ay papatawan ng parusang pagkakakulong ang sinuman na magpapabaya, magsasamantala at mang-aabuso sa mga matatanda.

“Elderly citizens, like our lolos and lolas, should be honored, cared for and respected. Unfortunately, many of our senior citizens still suffer abuse and most of the time, even from the very people who are supposed to care for them, as shown by news reports and reliable posts in social media. Worse, many cases of elder abuse go unreported and unpunished. Our bill aims to prevent these,” pahayag ni Duterte.

Tinukoy sa panukala na ang mga “acts of violence” sa mga senior citizens ay hindi lamang kinabibilangan ng physical abuse, physical harm, pain o impairment, suffering o distress; psychological, mental at emotional abuse kundi sakop din ang hindi tamang pag-aaaruga, hindi pagbibigay ng suporta at abandonment o pag-aasa sa ibang tao ng responsibilidad sa pangangalaga sa kanilang kaanak o magulang na matanda.

“Elder abuse does not only cover the intentional act, but also the failure to act on the needs of the elderly. This measure seeks to ensure that our senior citizens are given protection from all forms of violence, abuse, neglect, exploitation and coercion, especially acts detrimental to their personal safety and security,” nakasaad sa panukala.

Sa oras na maisabatas, ang magiging parusa na maaaring ipataw ay kulong na isang buwan at 6 na buwan sa mga kaso ng slight physical abuse bukod pa sa multa na hanggang P300,000 habang ang ibang mabigat na kaso ay paparusahan batay sa nakapaloob sa Revised Penal Code.

Ang sinumang mapapatunayang guilty sa pang-aabuso sa mga matatanda ay kailangang sumailalim sa psychological counseling o psychiatric treatment bukod pa sa isasailalim ito sa hold departure order upang hindi makalabas ng bansa.

Maging ang mga law enforcers, barangay officials at iba pa na hindi magrereport ng pang-aabuso sa mga matatanda ay papatawan din ng kaparehas na parusa.

Nakapaloob din sa panukala na magtatatag ng senior citizen help desks sa bawat barangay upang may malalapitan ang mga biktima ng pang aabuso at pagbuo ng special prosecution unit sa Department of Justice (DOJ) na siyang mangangasiwa sa mga kaso laban sa mga senior citizens. Gail Mendoza